KINALAMPAG ng Cerritos Heights Homeowners Association Inc. (CHHAI) ang Philippine Competition Commission (PCC) upang aksiyonan ang kanilang reklamo laban sa umano’y monopolyo ng isang internet service provider sa kanilang subdibisyon sa Molino 4, Bacoor C, Cavite.
Ayon kay Toteng Tanglao, presidente ng CHHAI, nagsumite sila ng liham sa National Telecommunications Commission (NTC) para hilingin ang pagkakaroon ng ibang internet service provider, bukod sa Planet Cable, sa kanilang subdibisyon subalit sa halip na aksiyonan ay ipinasa ito sa PCC.
“Sumulat din kami sa NTC, ang sabi ng NTC, ‘you better refer this sa Philippine Competition Commission.’ Sumagot naman si PCC, ang sabi nila, ‘patunayan ninyo na may monopoly,’ ” sabi ni Tanglao.
Binanggit din nito na maging si Bacoor City Mayor Mayor Mercado-Revilla ay binalewala rin ng PCC.
“Even ‘yung reply nila kay Mayor Lani, they never replied about the monopoly, they just told them na maayos ang serbisyo ng cable, ‘yun ang kanilang style,” sabi pa niya.
Una nang inireklamo ng mga miyembro ng CHHAI ang pangit na serbisyo ng Planet Cable kayat hiniling nila na payagan na makapasok ang ibang internet service provider sa kanilang lugar.
Giit nila napakahalaga ng maasahan na internet signal dahil marami sa kanila ay work from home at ang kanilang mga anak ay nasa online classes din.
Noong nakaraang taon pa inihain ng homeowners ang petisyon subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito naaaksiyunan ng mga kinauukulang ahensiya.