Inatasan na ni Manila Mayor Isko Moreno ang local government personnel na simulan na ang pamamahagi ng food boxes sa mga residente sa Barangay 351, 699, at 725 na isasailalim sa apat na araw na lockdown dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Mayor Isko, 1,019 pamilya sa Barangay 351; 1,109 pamilya sa Barangay 699; at 169 pamilya sa Barangay 725 ang bibigyan ng food boxes.
Bawat kahon ay naglalaman ng tatlong kilo ng bigas, 16 na piraso ng canned goods at walong sachets ng coffee.
Tinatayang 700,000 na pamilya sa Maynila ang naapektuhan ng COVID-19.
“So many were saying, ‘Hindi nga kami mamamatay sa COVID, pero mamamatay naman kami sa gutom.’ Pipilitin natin sa lungsod na walang pamilyang magugutom. Sa Maynila, kakain tayo,” pahayag ni Mayor Isko.
Ayon kay Mayor Isko, magsisimula ang lockdown sa Huwebes, March 11 ng 12:0 AM hanggang Linggo, March 14 ng 11:59 PM.
Ayon sa ulat ng Manila Health Department, 12 na active cases ng COVID-19 ang naitala sa Barangay 351 habang 14 active cases naman ang naitala sa Barangay 725.
Naka-lockdown din ang Malate Bayview Mansion sa Barangay 699 matapos makapagtala ng 14 confirmed cases at Hop Inn Hotel na may tatlong kaso.