Publiko pinaalalahanan ng LTFRB sa pagsunod sa mga health protocols sa mga terminal at pampublikong sasakyan

Muling pinaalalahanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang publiko na sumunod sa mga health protocols na ipinapatupad ng pamahalaan sa loob ng mga pampublikong sasakyan at mga terminal.

Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, oras makaramdam ang mga pasahero o driver ng mga sintomas ng COVID-19 ay huwag nang lumabas ng bahay at sundin ang quarantine protocols.

“Ang pagbukas ng mga ruta para sa mga pampublikong sasakyan sa gitna ng pandemya ay hindi basta-basta. Kalkulado at planado ang pagpapatuloy ng pagbiyahe, at kabilang diyan ang mga alituntunin na magpapanatili sa kaligtasan at kalusugan ng mga commuter nang hindi humahadlang sa serbisyo ng mga drayber” pahayag ni Delgra.

“Hindi lahat ng pasahero ay mababantayan 24 oras ng mga enforcer ng LTFRB, LTO at I-ACT kaya maging mapagmatiyag sa paligid at huwag matakot na pumuna at magsaway ang mga hindi sumusunod sa public health safety protocols,” dagdag pa ng LTFRB Chairman.

Bukod sa mga pasahero, pinapaalala rin ng ahensya sa mga drayber at operator ang mahigpit na pagpapatupad ng mga alituntunin sa pagbiyahe ng mga Public Utility Vehicles (PUV).

Base sa Memorandum Circular ng LTFRB na inilabas noon pang Oktubre ng nakalipas na taon kailangang sumunod sa “7 Commandments” sa lahat ng pampublikong transportasyon.

Kabilang rito ang sumusunod:

1) Laging magsuot ng face mask at face shield;

2) Bawal magsalita at makipag-usap sa telepono;

3) Bawal kumain sa loob ng sasakyan;

4) Laging panatilihin ang maayos at sapat na ventilation sa mga PUV;

5) Laging magsagawa ng disinfection;

6) Bawal sumakay ang mga pasaherong mayroong sintomas ng COVID-19 sa pampublikong transportasyon; at

7) Laging sundan ang panuntunan sa physical distancing.

Kabilang sa mga nasabing alituntunin ay ang pagsunod sa safety measures alinsunod sa mga alintuntunin ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) tulad ng pagsusuri sa body temperature ng mga pasahero bago sila sumakay ng PUV, pagsusuot ng face mask/shield at gloves sa lahat ng oras, at ang mahigpit na pagpapatupad ng physical distancing sa loob ng mga sasakyan.

Ipinalala din ng opisyal na responsibilidad din ng operator at driver na regular na i-disinfect ang kanilang mga sasakyan bago at pagkatapos bumiyahe.

Babala ng ahensya, mahigpit nilang ipinapatupad sa pagbiyahe ng mga PUV ang mga nabanggit na alituntunin at ang sinumang mahuli na lalabag sa public health safety protocols ay papatawan ng kaukulang parusa, tulad ng pagmumulta at pagkatanggal ng kanilang prangkisa.

 

Read more...