Pangmatagalang solusyon para maibsan ang epekto ng COVID-19, kailangan na

Iginiit ni Marikina Rep. Stella Quimbo na panahon na upang magkaroon ng long-term interventions para mapalakas ang katatagan ng Pilipinas laban sa iba pang mga negatibong epekto ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Quimbo, na isa ring ekonomista, panahon na para ipasa ang proposed P420-billion Bayanihan to Arise as One Act (Bayanihan 3) at Unemployment Insurance Bill para sapat ang proteksyon para sa mga manggagawang Pilipino.

Sa P420 bilyong inilalaan sa Bayanihan 3, P108 bilyon ang para sa karagdagang social amelioration ng mga pamilyang apektado ng COVID-19 pandemic, P100 bilyon para sa capacity-building ng mga apektadong sektor, P52 bilyon para sa wage subsidies, P70 bilyon para sa capacity-building ng mga agricultural producers, P30 bilyon para sa internet allowance ng mga estudyante at guro, P30 bilyon bilang assistance sa mga displaced workers, P25 bilyon para sa COVID,19 treatment at vaccines, at P5 bilyon para sa rehabilitation ng mga lugar na apektado ng mga kalamidad kamakailan.

Sa ilalim naman ng Unemployment Insurance Bill ay magbibigyan ng sapat na social protection ang mga manggagawa dahil sa oras na sila ay matanggal sa trabaho maari silang mag-claim ng benefits mula sa programang ito.

Kailangan aniyang maipasa na ang mga panukalang batas na ito bago pa man ang Holy Week break ng Kongreso para na rin matulungan hindi lamang ang mga Pilipinong manggagawa kundi maging ang mga negosyong pinagtatrabahuhan ng mga ito.

Pahayag ito ni Quimbo, matapos na umakyat sa 4 milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong Enero 2021 base sa resulta ng latest Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Read more...