Pagpatay kay Calbayog City Mayor Aquino, kinondena ng Palasyo

Photo grab from PCOO Facebook video

Mariing kinondena ng Palasyo ng Malakanyang ang pamamaslang kay Calbayog City Mayor Ronaldo Aquino.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, naalarma ang Palasyo sa pamamaril kay Aquino dahil maaring maging simula na naman ito ng patayan dahil sa pulitika kung saan nalalapit na ang panahon ng eleksyon.

“Well, gaya po ng kaso doon sa pagpatay sa Calbayog ‘no, kinukondena po natin iyan dahil ang karapatang mabuhay po ay ang pinakaimportanteng karapatan ‘no. At nanunumbalik po kami at naaalarma na dahil isang mayor po ang pinatay, baka ito’y simula na naman ‘no ng patayan dahil sa pulitika sa panahon na papalapit na ang eleksiyon,” pahayag ni Roque.

Ayon kay Roque, walang puwang ang political violence sa isang bansang may demokrasya gaya ng Pilipinas.

“Ang demokrasya po, tao po ang humahalal; at ang ating panawagan, hayaan po nating maghalal ang taumbayan sa pamamagitan ng pagpili ng sa tingin nila ang pinakaepektibong mga mamumuno. At saka itong political violence po has no place in a democracy. Kinukondena po natin iyan!” pahayag ni Roque.

Patungo sana ang alkalde sa birthday party ng kanyang anak na lalaki nang pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng van sa Calbayog City, Samar.

Read more...