Ikinakasa na ng Kabataan Party list, Anakbayan at iba pang grupo ang pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyal ng gobyerno na dawit sa madugong Kidapawan dispersal.
Sa isang press conference, sinabi ni Rep. Terry Ridon na mga kasong criminal, civil at administrative ang posibleng kaharapin nina Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista, North Cotabato Governor Emmylou Mendoza, at ilang mga opisyal ng Philippine National Police at DILG dahil sa marahas na kinahantungan ng dispersal sa mga magsasaka.
Kasama ring kakasuhan si Agriculture Secretary Proseso dahil naman sa kabiguang tugunan ang problema sa El Niño.
Giit ni Ridon, isang linggo na ang nakalilipas mula nang naganap ang insidente, pero hanggang ngayon ay wala pa ring nananagot o nasasampahan ng kaso.
Bukod dito, bigas na nga lang ang hiling ng mga magsasaka pero ni-isang sako ay wala pa raw natatanggap mula sa Malakanyang at Agriculture Department dahil masyadong busy o abala ang mga ito sa paninisi sa mga tao at mga raliyista.
Iginiit naman ng Vencer Crisostomo ng Anakbayan, sa Palasyo na sibakin o patawan ng preventive suspension ang lahat ng police officials, si Gov. Mendoza at iba pang lokal na opisyal na responsable sa “Kidapawan massacre”.
Pangamba ni Crisostomo, maaaring magpatuloy ang cover-up at whitewash, at mapaslang pa ang mga magsasaka hangga’t nananatili sa pwesto ang mga sangkot sa dispersal.