Ito’y bilang suporta sa pagbibigay ni Pangulong Duterte ng amnestiya sa mga miyembro ng rebeldeng komunista at iba pang organisasyon ng mga rebelde na nagkasala sa ilalim ng Revised Penal Code at Special Penal Laws kaugnay ng kanilang political beliefs.
Inihain ni Romualdez kasama sina Speaker Lord Allan Velasco at House Minority Leader Joseph Stephen Paduano, ang apat na concurrent resolutions na nai-refer na sa House Committees on Justice at sa National Defense noong nakaraang linggo.
Ang House Concurrent Resolutions 12, 13, 14, at 15 ay sumusuporta sa amnestiya sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF), Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB), at Communist Terrorist Group (CTG).
Ayon kay Romualdez, kaisa sila ni Pangulong Duterte sa pagsisikap na makamit ang kapayapaan at pagkakasundo sa bansa.