Minaliit lang ni vice presidential candidate Sen. Bongbong Marcos ang isinampang mga kasong pandarambong laban sa kaniya sa Office of the Ombudsman.
Giit ni Marcos, bahagi lamang ito ng tradisyon ng administrasyon na pagpapatupad ng “selective justice.”
Ayon pa kay Marcos, lahat ay tila dinadaan na sa pulitika maging ang hustisya, dahil kinakasuhan ang mga hindi kaalyado, habang ang mga kakampi na may ginagawang mali ay nakakalusot.
Isang alyansa ng mga grupo ng mga kabataan na ‘iBalik ang Bilyones’ ng Mamamayan (iBBM) ang nag-akusa kay Marcos ng paglalaan ng kaniyang P205 million pork barrel sa anim na hinihinalang non-government organizations na pag-aari umano ni Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam mastermind Janet Napoles.
Ani pa Marcos, matagal nang isyu ito at matagal nang kinlaro ni Napoles na hindi siya kasama sa mga sangkot dito nang isumite niya ang kaniyang affidavit sa pagdinig sa Senado.
Naniniwala rin si Marcos na isa lamang itong paraan para madiskaril ang kaniyang kandidatura bilang pangalawang pangulo, lalo’t nalalapit na ang halalan.