Nagsimula nang magsi-uwian ang mga magsasaka na nakilahok sa rally sa Kidapawan City makaraang matanggap ang mga donasyong bigas ng iba’t-ibang grupo at personalidad.
Ayon kay Jerry Alborme, pinuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas-North Cotabato, daan-daang mga magsasaka ang nagpasya nang magsibalikan sa kani-kanilang mga barangay makaraang makatanggap ng inisyal na 25 kilo ng bigas bawat isa.
Kanilang binigyan muna ng prayoridad ang pamilya ng mga nasawi sa Kidapawan dispersal at maging ang mga nasugatan at naarestong magsasaka.
Sa inisyal na pagtaya aniya, umaabot sa 1,253 sako ng bigas, de lata at iba’t-ibang uri ng gamot ang natanggap ng mga magsasaka mula sa mga pribadong donor, artista at mga ordinaryong indibidwal.
Malaking tulong na aniya ang mga ito sa mga magsasaka na naapektuhan ng matinding tagtuyot.
Bagamat tatagal na aniya ng ilang linggo ang mga bigas na tinanggap ng mga ito nangangamba pa rin ang mga magsasaka na magpatuloy ang tagtuyot sa kanilang lalawigan.
Dahil dito, nananawagan ang grupo na ituloy ng pamahalaan ang pagtulong sa mga pangangailangan ng mga magsasaka.
Bagamat uuwi na ang karamihan, may ilang grupo pa rin ang mananatili sa Kidapawan City upang tumulong sa pamilya ng mga naarestong magsasaka noong April dispersal.
Ayon kay Alborme, nasa 74 na magsasaka pa ang nakadetine at sinampahan ng direct assault at physical injuries ng pulisya.
Labis din aniya ang katuwaan ng mga magsasaka sa panukala ng city council ng Davao City na magpalabas ng 31.5 milyong piso na gagamitin upang maipambili ng 15,000 sako ng bigas.