Court order, kailangan bago maibalik ang pera sa Bangladesh

 

Lyn Rillon/Inquirer

Kailangan pang hintayin muna ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang isang court order bago nila maibigay sa Bangladesh ang mga perang ibinalik ni Kim Wong.

Matatandaang nagbalik ng $4.63 million at P38.28 million si Wong sa AMLC bilang pagpapatunay aniya na handa siyang makipagtulungan sa imbestigasyon.

Ayon kay Sen. Teofisto Guingona na chairman ng blue ribbon committee, kailangan muna maghain ng AMLC ng civil forfeiture case para sa pag-rekober ng perang isinuko sa kanila ni Wong alinsunod sa batas sa Pilipinas.

Ito ang naging desisyon ng AMLC matapos nilang kumonsulta sa naging pagdinig sa Senado noong Martes.

Ani pa Guingona, ito ang pinaka-nararapat gawin para masunod ang proseso ng batas.

Mas maigi rin aniya na may otoridad na kukumpirma na ang perang ito ay talagang sa Bangladesh, upang hindi naman makwestyon ang magiging hakbang ng AMLC.

Oras aniya na may lumabas na court order, iyon na rin ang tamang panahon para ibigay ang pera sa Bangladesh.

Bagaman kadalasang tumatagal ang proseso ng mga ganitong kaso, tiwala naman ang senador na hindi ito gaanong tatagal dahil wala namang iba pang inaasahang kokontra at aangkin ng pera.

Una nang nadismaya si Bangladesh Ambassador John Gomes nang malaman niya na hindi pa pala maibabalik sa kanila ang pera sa kabila ng pagpirma nila ng receiving certificate.

Read more...