Nagkagirian ang mga tauhan ng Manila Police District at Kilusang Mayo Uno at Ecumenical Institute for Labor Education and Research sa harap ng tanggapan ng Bureau of Immigration sa Maynila.
Nagsagawa ng kilos protesta ang KMU at EILER para ipanawagan na huwag ituloy ang pagpapalayas sa bansa sa Dutch missionary na si Otto de Vries.
Ayon kay Police Lt. Henry Mariano, ang hepe ng Police Community Precinct 5, wala permit ang grupo para makapagdaos ng kilos protesta, bukod sa hindi nasusunod ang physical distancing.
Buwelta naman ni Jerome Adonis, secretary general ng KMU, hindi na nila kailangan ng permit dahil bahagi ng malayang pamamahayag ang kanilang ginagawa at alam din nila na hindi sila papayagan.
Boluntaryo din naman nilang nilisan ang lugar matapos ang maiksing programa.
Samantala, sinabi naman ni Rochelle Porras, executive director ng EILER, hindi dapat na palayasin si Otto at dapat itigil na rin ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) ang pilit na pag-uugnay kay Otto at sa EILER sa teroristang grupo.
Noong February 3 natanggap ni Otto ang utos ng BI na umalis ng Pilipinas.