Hindi nakalusot sa Senado ang nais ni Pangulong Duterte na armasan din ang mga bumbero,
Sa paglalatag ni Sen. Ronald dela Rosa sa Senate Bill 1832 o ang Act Strengthening and Modernizing the Bureau of Protection, pinuna ni Minority Leader Frank Drilon ang pagkasisingit sa panukalang-batas ng probisyon para sa pag-aarmas sa mga bumbero.
Giit ni Drilon, ang probisyon ay hindi natalakay sa debate sa plenaryo at itinuro ni Sen. Francis Tolentino kay Sen. Christopher Go nanggaling ang bagong probisyon.
Depensa naman ni dela Rosa, nais ni Pangulong Duterte na mabigyan ng baril ang mga bumbero para makatulong sa kampaniya ng gobyerno kontra kriminalidad.
Ngunit sa paliwanag ni Sen. Grace Poe, sinabi nito na mangangailangan pa ng malaking pondo ang nais ng Malakanyang, mula sa pagbili ng baril hanggang sa pagsasanay sa mga bumbero sa tamang paggamit ng armas.
Ipinunto din ni Poe na kalahati sa kabuung bilang ng mga bumbero sa bansa ay hindi din kumbinsido na kailangan nila ng baril sa pagresponde sa sunog.
Samantala, bukod kina Drilon at Poe, tinutulan din nina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Sens. Panfilo Lacson, Nancy Binay, Pia Cayetano, Sherwin Gatchalian, Richard Gordon, Risa Hontiveros, Emmanuel Pacquiao, Francis Pangilinan, at Joel Villanueva ang hirit ng Malakanyang.