Nais ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na ipaubaya na lamang sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pangunguna sa ikinakasang sa ‘war on drugs’ ng administrasyong-Duterte.
Ayon kay Biazon, na siyang vice chairman ng House Committee on Defense, sa ilalim Dangerous Drugs Act, ang PDEA naman talaga ang “premiere at lead agency” para sa anti-illegal drug enforcement.
Ang pag-alis aniya noon sa Philippine National Police o PNP at National Bureau of Investigation o NBI sa mga operasyon laban sa droga ay naaayon lang naman sa Dangerous Drugs Act.
Noong October 2017, may memorandum na rin aniya si Pangulong Rodrigo Duterte na ang PDEA ang “sole agency” sa mga anti-illegal drug operations.
Pero makalipas lang ang dalawang buwan ay nagpasya ang Punong Ehekutibo na ibalik ang PNP sa drug war, para makatuwang ng PDEA.
Nilinaw naman ni Biazon na kahit ang PDEA ang mangunguna at tututok sa anti-illegal drugs campaign sa bansa, maaari pa rin magpatulong sa ibang law enforcement agencies.
Dapat lamang aniya na maging malinaw ang lahat para sa “accountability” kapag may nangyaring sigalot o naging palpak ang operasyon, at para maiwasan ang kahalintulad na engkwentrong naganap sa pagitan ng PDEA at QCPD.