Phivolcs nakapagtala ng pag-aalburuto ng Mt. Pinatubo, Alert Level 1 idineklara

Itinaas na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ang Alert Level 1 sa Mt. Pinatubo dahil sa pagpapatuloy ng mga paglindol simula noong Enero.

Ngunit ayon sa Phivolcs ang pag-aalburuto ng bulkan ay maaring may kaugnayan sa tinatawag na ‘tectonic processes’ sa ilalim at wala pang banta na ito ay sasabog.

Ngunit, ibayong pag-iingat pa rin ang ipinayo ng ahensiya sa pagpasok sa mismong bunganga ng bulkan at kung maari ay iwasan ang paglapit.

Kasabay nito ang panawagan sa mga malalapit na komunidad at lokal na pamahalaan na maghanda sa mga paglindol at iba pang volcanic hazards.

Ang huling pagsabog ng Mt. Pinatubo ay noong June 15, 1991 at itinuring na isa sa pinakamalakas sa buong mundo sa nakalipas na isang siglo.

Nagbuga ito ng milyong-milyong tonelada ng napakainit na abo at gas at nagdulot ng pinsala sa malaking bahagi ng Luzon, partikular na sa Pampanga, Zambales at Tarlac na sumasakop sa bulkan.

Read more...