Higit 50 na ang namamatay sa nagpapapatuloy na protesta laban sa kudeta sa Myanmar.
Sinabi ni UN envoy to Myanmar Christine Schraner Burgener ang bilang ng mga nasawi ay nagsimula nang agawin ng militar kay detained Aung San Suu Kyi ang pamumuno sa gobyerno noong Pebrero 1.
Aniya kahapon lang, 38 ang nasawi at ito ang itinuturing na pinakamadugong araw simula nang mag-aklas ang mamamayan laban sa military junta.
“Today was the bloodiest day since the coup happened,” sabi ni Burgener, bagamat wala na itong detalye na naibahagi.
Nanawagan na siya sa pamunuan ng UN na gumawa na ng mga mas konkretong hakbang dahil ang ipinatutupad na sanctions ng ilang bansa ay hindi pinapansin ng mga namumunong military generals.
Ang Philippine Embassy sa Myanmar ay muling nagpalabas ng pahayag ukol sa sitwasyon at sinabing nakakabahala na ang sitwasyon.
Kasabay ito ng panawagan sa awtoridad na ihinto na ang paggamit ng labis-labis na puwersa sa mga nagpo-protestang sibilyan.
Inabisuhan na rin ang mga Filipino sa Myanmar na iwasan ang mga lugar kung saan may nagaganap na protesta.