Hinikayat ni House Committee on Health chairman Angelina Helen Tan ang mga healthcare workers na magpabakuna na rin kontra COVID-19 vaccines.
Paliwanag ng mambabatas na isa ring doctor, kailangan ng health workers ng pananggalang sa virus.
Ito, ayon sa mambabatas, ay upang hindi ang mga ito palaging nag-iisip kung mahahawa ng nakamamatay na COVID-19.
Aniya, dapat sa mga eksperto lamang maniwala ang health workers at huwang kung kani-kanino.
Kwento naman nito, wala silang anumang naramdaman matapos makapagpabakuna ng CoronaVac ng Chinese firm Sinovac Biotech sa Veterans Memorial Medical Center, kahapon.
Sinabi nito na dalawa ang layunin ng kanyang pagpapabakuna, ito ay upang ipakita ang kumpyansa sa vaccination program ng pamahalaan at ikalawa ay maprotektahan ang kanyang sarili.
Ayon kay Tan, mahalagang magpabakuna ang health workers kontra COVID-19 lalo na ngayong may mga naitala nang kaso ng South African variant sa Pilipinas.
Sang-ayon din ito sa pahayag ni Dr. Tony Leachon, dating adviser ng National Task Force against COVID-19, na nakitang makakatulong ang CoronaVac kontra South African variant ng coronavirus 2019.
Sinabi ng Department of Health (DOH) na anim na kaso ng South African variant ng COVID-19 ang naitala sa Pasay City.
Si Tan ang unang mambabatas na legal na nabakunahan kontra COVID-19.
Nagpabakuna siya sa VMMC bilang bahagi ng allocation ng ospital sa dependent ng mga kawani nito kung saan ang kanyang panganay ay isang doctor doon.