Sinopharm, wala pang isinusumiteng dokumento sa FDA

Wala pang isinusumiteng dokumento sa Food and Drug administration (FDA) ang Sinopharm para tuluyan nang magamit ang kanilang bakuna kontra COVID-19 sa Pilipinas.

Ayon kay FDA director general Eric Domingo, bagamat nagsumite na ng application ang Sinopharm para sa emergency use authorization, wala namang isinumiteng kaakibat na mga dokumento.

“Noong Monday afternoon po, may isang local pharmaceutical company distributor na nag-online po, nag-submit ng letter na mag-a-apply daw po sila ng Emergency Use Authorization for Sinopharm. Unfortunately, wala pa pong mga dokumentong kasama ito, so hiningi pa po namin sa kanila iyong mga dokumento na kailangan para ma-evaluate natin iyong kanilang application katulad po ng katunayan na sila nga ang distributor ng Sinopharm sa Pilipinas; iyong kanila pong mga clinical trial results; mga certificate po ng good manufacturing practice noon pong bakuna. So, kapag po nag-submit sila ng mga papeles at saka po natin uumpisahan ang evaluation nito,” pahayag ni Domingo.

Pero pagtitiyak ni Domingo, kapag nakumpleto na ng Sinopharm ang lahat ng kinakailangang dokumento, maaring matapos ng FDA ang evaluation sa loob lamang ng 21 araw.

Sa ngayon, hindi pa matukoy ni Domingo kung akma para kay Pangulong Rodrigo Duterte ang Sinopharm.

Matatandaang makailang beses nang sinabi ng Pangulo na mas gusto niyang maturukan ng bakuna na gawa ng Sinopharm.

“Well, hindi ko pa po masasabi sa ngayon kasi wala pa pong ibinibigay sa amin na datos at wala pa rin po kasing published na Phase 3 trial results ito pong Sinopharm. So, until we see the scientific evidence at makita po natin kung kanino nila ginamit iyong kanilang clinical trial at saka iyong kanilang experience sa paggamit po ngayon sa ibang mga bansa, doon pa lang po natin mabibigyan ng recommendation kung kanino pupuwede ang bakuna na ito,” pahayag ni Domingo.

Sa ngayon, mayroon na ang PIlipinas na 600,000 doses na bakuna kontra COVID-19 na gawa ng Sinovac mula sa China.

Read more...