Lusot na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala para sa pagbabawal ng billboard tuwing may bagyo
Sa botong 205-YES, 0-NO, at 4-ABSTAIN, inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang “Bawal Billboard Tuwing Bagyo Bill.”
Sa ilalim ng House Bill 7174, binanggit ang panganib na dulot ng mga billboard, partikular sa kaligtasan ng mga tao tuwing may kalamidad, maging kalusugan at kalikasan.
Sakop dito ang lahat ng advertising materials gaya ng billboards na kailangang tanggalin ng operators sa loob ng labing dalawang oras, mula sa opisyal na anunsyo o paglalabas ng PAGASA ng Typhoon Signal no. 1 bulletin o anumang weather disturbance.
Ang pagbabawal sa mga billboard ay epektibo sa kasagsagan ng masamang panahon, hanggang sa matapos ito habang ang mga electronic billboard ay kailangang patayin.
Kapag naging ganap na batas, ang lalabag na billboard operator ay pagmumultahin ng P300,000 o pagkakakulong ng hindi bababa sa anim na buwan o hindi lalagpas ng isang taon depende sa diskresyon ng korte.
Ang magpapatupad naman nito ay ang DPWH, nang may pakikipag-ugnayan sa MMDA, iba pang metropolitan councils at iba pang kaukulang ahensya.