Maraming senador ang itinutulak ang pagkakaroon ng limited face-to-face classes sa mga lugar sa bansa na ‘low risk’ sa COVID 19.
Sinang-ayunan na sa Senado ang inakdang Senate Resolution No. 663 na iniakda ni Sen. Sherwin Gatchalian, na inirerekomenda ang pilot testing ng localized limited face-to-face classes, na ang DepEd ang tutukoy.
Nakasaad sa resolusyon na voluntary at kinakailangan ng permiso ng mga magulang ang pagpasok muli sa eskuwelahan ng kanilang anak.
Kinakailangan ang pag-uusap ng DepEd, DOH at Inter-Agency Task Force para sa ipapatupad at susunding health and safety protocols.
Kailangan din matiyak na may sapat na suplay ng malinis na tubig, sanitation areas, hand washing stations, sabon at alcohol sa mga bubuksan ng paaralan.
Makikibahagi din sa mga responsibilidad para sa kaligtasan ng mga mag-aaral, guro at iba pang kawani ng eskuwelahan ang mga lokal na pamahalaan.
Malinaw naman na ang Provincial School Board, City School Board, Municipal School Board ang magrerekomenda kung maari nang magbukas muli ang mga paaralan base sa gagawin nilang assessment.
“Kahit tuluyan na nating masugpo ang COVID-19, patuloy pa rin tayo sa pagtugon sa mga pinsalang dinulot ng kawalan ng face-to-face classes. Bukod sa pag-urong ng kaalaman, kabilang din dito ang pag-akyat ng mga kaso ng karahasan, pang-aabuso, at ang pagdami ng mga batang ina,” sabi pa ni Gatchalian.