Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Inton, sinabi nito na bago pa man nila ipalabas ang desisyon ay may nauna na silang resolusyon noong nakaraang taon ukol sa provisional fare rollback, kung saan itinakda sa 30 pesos ang flagdown rate sa mga taxi.
Dagdag pa nito, dahil may inihain na Motion for Reconsideration na isinampa sa kanila ang grupo ng mga taxi operators kaya hindi muna naipatupad noong Marso 19 ang kanilang desisyon, na sumasakop din sa pagbabago sa patak ng metro sa distansiya na itatakbo ng taxi gayundin sa waiting time.
“Sa mga kababayan natin na sumasakay ng taxi, kung ano po ang huling patak ng metro ng taxi ay dapat bawasan nila ito ng 10 pesos dahil 30 pesos talaga ang flagdown rate” ang bilin ni Inton.
“Ito po ay dahil hindi pa na-calibrate ang mga metro pero last year pa ho namin inilabas ang provisional flagdown rate rollback.” dagdag ni Inton.
Sa susunod na linggo ay ipagpapatuloy ang pagdinig sa fare adjustment sa mga taxi.