P30-B nawawalang kita ng gobyerno kada taon dahil sa smuggling ng sigarilyo

Umaabot sa P30 bilyon ang nawawalang kita ng bansa dahil sa cigarette smuggling.

Sa pagdining ng Ways and Means Committee, sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda, pinuno ng komite na ang nasabing halaga ay nawawala bawat taon dahil sa iligal na pagpasok at bentahan ng tobacco products.

Itinuturong dahilan ng mambabatas na nagagamit ang ecozones sa iligal na kalakalan ng sigarilyo dahil sa maluwag na enforcement rules.

Dahil dito, hinihimok ni Salceda ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BOC), at Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na tugisin ang cigarette smugglers para matigil na ang illegal trade ng mga sigarilyo.

Iginiit ng kongresista ang oversight powers ng komite upang maobliga ang BOC na magsagawa ng programa katulad sa “Run Against Tax Evaders” o RATE ng BIR.

Umaapela rin si Salceda sa BIR na baligtarin ang Revenue Regulation (RR) 9-2015 na nag-e-exempt sa mga cigarette manufacturers sa tax stamps para sa exports at sa halip ay oobligahin ang mga ito na magkaroon na ng unique identification codes (UIC).

Tulad aniya sa krudo ay dapat maging mahigpit din ang gobyerno sa tobacco products dahil ito ay itinuturing na highly-regulated product at lantad sa pang-aabuso.

Nangako naman si BIR Commissioner Caesar Dulay na ire-reverse nila ang nasabing polisiya para tuluyang makontrol ang illicit trade ng tobacco products sa bansa.

Read more...