Cable company inalmahan sa Cavite dahil sa isyu ng monopolyo

Gumawa na ng petisyon ang humigit-kumulang 2,000 residente ng isang malaking subdibisyon sa  lungsod ng Bacoor sa Cavite para mawakasan na ng monopolyo ng isang cable company.

Sa petisyon ng mga residente ng Camella Cerritos Heights Phases 1 at 2, Cerritos Terraces, at Cerritos Hills Phases 1, 2, at 3 sa Barangay Molino 4, tanging ang Planet Cable lang ang fixed internet provider sa kanilang lugar.

Nabatid na ang kompaniya ay pag-aari ng Villar Group, ang developer ng kanilang pamayanan.

Dahil tila tali ang kanilang mga kamay, tinitiiis nila ang pangit na serbisyo ng Planet Cable.

“We wish to assert our right to enjoy the benefits of competition, especially in getting the best possible internet provider. The need for reliable connectivity is even more pronounced today, especially as the uncertainty over the COVID-19 pandemic is forcing everyone to adapt to the new normal. This means work-from-home is no longer an option but a requirement in order to keep jobs. Students will also transition to online learning because this is now part of the Philippine education system,” pagbibigay-diin ng mga miyembro ng homeowner’s association.

Diin nila pinagkakaitan sila na makapamili ng magbibigay sa kanila ng internet service at sa kanilang palagay ito ay para walang ibang cable o internet company ang makakapasok sa kanilang subdibisyon.

Binatikos ng mga petitioner ang Planet Cable na pag-aari ng kanilang developer, ang Villar Group, dahil sa pagkakait umano sa kanila ng pribilehiyo na mag-apply para sa landline phone service.

Anila, nabigo ang kanilang developer na magkaloob ng telephone facility para sa mahigit 2,000 tahanan sa kanilang subdivision, “sa pangamba marahil na magbigay-daan ito para sa internet competition.”

Umaasa sila na agad tutugunan ng pamahalaang-lokal ang kanilang petisyon gayundin ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno at private telecommunications / internet companies.

Read more...