Opisyal nang magsisimula ang national vaccination program ng pamahalaan oras na dumating ang mahigit isang milyong doses ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay National Task Force against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr., ito anya ay kasunod ng inaasahang pagdating ngayong araw ng mga bakuna mula sa Sinovac at bukas naman ang sa AstraZenica.
Sabi ni Galvez sa 600,000 doses ng COVID-19 vaccine ng Sinovac na donasyon ng China sa Pilipinas, 100,000 doses nito ang ilalaan sa military.
525,600 doses naman ng bakuna ng AstraZeneca galing sa COVAX facility ang darating bukas, araw ng Lunes.
Ang mga nasabing bakuna sabi ni Galvez ay ilalaan sa Philippine General Hospital at iba pang mga major hospital sa bansa.
Nauna nang binigyan ng Food and Drugs Administration (FDA) ng emergency use authorization (EUA) ang mga bakuna ng Pfizer, AstraZeneca, at Sinovac.
Sabi ni Galvez, “Ito po ay isang pagpapatunay na ang lahat ng mga bakuna na ating ituturok sa ating mga kababayan ay ligtas at epektibo.”
Kaugnay nito, hinikayat ng opisyal ang publiko na magparehistro sa kanilang mga barangay upang makapagpabakuna.
Target ng pamahalaan na mabakunahan ang nasa 50 hanggang 70 milyong indibidwal ngayong taon.
Inaasahang pangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsalubong sa mga bakuna ng Sinovac mamayang hapon sa Villamor Airbase sa Pasay City.