Hinikayat ni Isabela 6th District Rep. Faustino “Inno” Dy V ang Philippine Charity Sweepstakes Office(PCSO) na ipahinto ang operasyon ng small town lottery sa lalawigan.
Sa joint hearing ng House Committee on Games and Amusement at House Committee on Good Government and Public Accountability, sinabi ni Dy na isa sa itinuturong dahilan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Isabela ay ang mga empleyado ng STL operator na Sahara Games.
“STL operations constitute a public health threat, and the numbers illustrate this point; of the 601 individuals in Cauayan that have contracted COVID-19, 188 or 31% are employed by STL ops,” saad ni Dy.
Dagdag nito, “In San Mariano, of the 199 people who have caught the disease, 117 or 59% were employed by STL operations. This is not a coincidence and nor is it bad luck; clearly, the conduct of STL operations exposes its workers to a higher risk of getting infected––and these are the same personnel who go around Isabela collecting bets from house to house.”
Hindi lamang anya nangongolekta ng taya ang mga empleyado ng STL operator sa probinsya kundi nagkakalat din ang mga ito ng virus ng COVID-19.
Bukod sa isyu ng pagkakalat ng virus, lumabas sa pagdinig na nilabag ng PCSO ang sarili nitong charter matapos pumasok sa kasunduan sa mga authorized agent corporations o AACs upang magsagawa ng STL operations.
Sa pagdinig sinabi ni retired Supreme Court Justice at ngayon ay Marinduque Governor at League of Provinces National President Presbitero Velasco na tahasang paglabag sa batas ang operasyon ng mga AACs.
Ang PCSO lamang ayon kay Velasco ang maaring mag-operate ng STL at hindi ito maaring pumasok sa joint venture agreement sa mga AACs.
Dahil dito, habang nagsasagawa ayon kay Dy ng pagdinig ang Kamara marapat lamang na ipahinto ng PCSO ang operasyon ng STL sa Isabela.