NBI iimbestigahan din ang ‘PDEA – PNP misencounter’ – Justice Sec. Guevarra

Inatasan na ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang NBI na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa pagbabarilan ng mga pulis-Quezon City at mga ahente ng PDEA sa Commonwealth Avenue, Quezon City kahapon ng hapon.

Paglilinaw ni Guevarra, ang pag-iimbestiga ng NBI ay hiwalay sa pag-iimbestiga ng ad hoc joint PNP – PDEA Board of Inquiry.

Una nang nagkasundo ang PNP at PDEA na bumuo ng joint Board of Inquiry para imbestigahan ang pangyayari na nagresulta sa pagkakasugat ng tatlong pulis, dalawang PDEA agents at isang sibilyan.

Itinalaga ni PNP Chief Debold Sinas ang CIDG para pangunahan ang imbestigasyon.

Kasabay nito ang pagtitiyak ng PNP na hindi maapektuhan ng insidente ang ‘operational relationship and coordination’ nila sa PDEA.

Una nang iniulat ng QCPD – Batasan Police Station na nagsagawa ng anti-drug operation ang mga tauhan ng Special Operations Unit sa lugar at una silang pinaputukan ng mga ahente ng PDEA.

Ayon naman kay Dir. Derick Carreon, tagapagsalita ng PDEA, mamayang alas-3 ng hapon ay magbibigay sila ng pahayag kasama ang PNP ukol sa insidente sa Camp Crame.

Una nang kinumpirma ni Carreon na may operasyon sa lugar ang mga tauhan ng kanilang Special Enforcement Service.

Read more...