Mga senador, kinuwestiyon ang pagbasura sa mga hirit na balik-eskuwela

Naghahanap ng kasagutan ang ilang senador sa pagtanggi ng administrasyong Duterte sa mga hirit na magsagawa ng pilot testing ng face-to-face classes.

Anila, nagkalat na ang mga bata sa lansangan maging sa mga oras na dapat ay nasa loob sila ng bahay para sa kanilang ‘home schooling.’

Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic, binanggit ni Sen. Sherwin Gatchalian na may mga bata nang naliligo sa Pasig River na hindi sinusunod ang physical distancing.

Pagdidiin niya, hindi napapaangat ng self-learning modules ang kakayahan ng mga estudyante kayat aniya, kung hindi rin naman mapipigilan na maligo ang mga ito sa Pasig River makakabuti na bumalik na lang sa eskuwelahan para sa kanilang pag-aaral.

Ibinahagi naman ni Sen. Pia Cayetano na ang pagbisita niya kamakailan sa isang eskuwelahan sa Benguet na 32 lang ang estudyante.

Hindi aniya niya maintindihan kung bakit kailangan pang hintayin ang Agosto para sa pagbabalik eskuwela ng mga mag-aaral.

Puna naman ni Sen. Nancy Binay, kulang sa pangungumbinsi ang DepEd kay Pangulong Duterte sa pagsasabing, “It seems DepEd lacks persuasive powers because you can see the government allowing the children to go to arcade centers, to malls but they can’t go back to schools even at a limited number.”

Himutok naman ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto, pinabuksan na ang mga massage parlor at sabungan ngunit hindi ang mga eskuwelahan.

Dapat aniya pag-isipan ng gobyerno ang protocol para sa pagbubukas muli ng mga klase dahil maraming lugar na sa bansa ang walang kaso ng COVID-19.

Nasasayang naman ang panahon, ayon kay Sen. Imee Marcos, kayat siya ay tutol sa pagsasara ng mga paaralan.

Read more...