Maaring maging 24/7 ang COVID-19 vaccination ng pamahalaan kapag ito ay nasimulan na.
Ayon kay Department of Health Spokesperson Usec. Maria Rosario Vergerie, gumawa na sila ng mga scenario para mas maging mabilis ang pagbabakuna kapag available na ito sa bansa.
Gagawin aniya ang 24/7 vaccination para sa health care workers sa mga ospital.
Paliwanag ng opistal, gagawin ito para maisaayos ng mga ospital ang schedule ng kanilang mga staff.
Gayunman, sa mga komunidad ito ay gagawin na walong oras lamang.
Sinabi ng opisyal na base na rin sa pahayag ni vaccine czar Carlito Galvez, makakamit ang 70-percent herd immunity sa hanggang sa kalagitnaan ng taong 2022 pero magdedepende pa rin ito sa pagdating ng bakuna.
Kung darating aniya ng mas maaga ang bakuna ay maaaring makamit ang herd immunity bago matapos ang taon o hanggang sa 2nd quarter ng susunod na taon.
Iginiit din nito na libre ang pagpapabakuna dahil pera ang bayan ang gagamitin na pambili nito sa tulong ng iba’t ibang partner ng pamahalaan.
Para aniya sa mga hindi kasama sa priority list na inilabas ng national government at gustong makatanggap ng bakuna, maaari ang mga itong magtungo sa kanilang mga lokal na pamahalaan upang doon magpalista.