Filipino health workers kapalit ng COVID-19 vaccines, pinuna sa Kamara

Kinontra ni House Committee on Health Chairperson Helen Tan ang pahayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na magpapadala ng Filipino health workers ang bansa sa Germany at United Kingdom kapalit ng suplay ng COVID-19 vaccines.

Sinabi ni Tan, na isa ring doktor, na hindi siya sang-ayon sa pahayag ni Bello, kahit pa sabihing kailangan ng bansa ng mga bakuna kontra COVID-19.

Aminado ang mambabatas na hindi mapipigilan ang Pinoy health workers na umalis ng Pilipinas upang magtrabaho sa ibang bansa para sa mas mabuting oportunidad at mas malaking sahod at benepisyo.

Ngunit ang ideya aniya na sila ang kapalit para makakuha ng mga COVID-19 vaccine ay hindi tama o hindi magandang pakinggan.

Paliwanag nito, kailangan din ng bansa ang mas maraming health care workers lalo na ng mga nurse dahil sa nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.

Mas mabuti aniyang maghanap na lamang ng ibang paraan ang gobyerno upang magkaroon ng access sa mga bakuna, at hindi ipapalit ang mga health care worker na nararapat na purihin sa kanilang trabaho sa panahon ng pandemya.

Read more...