Hindi tatakbo sa 2022 presidential elections si Davao City Mayor Sara Duterte.
Pahayag ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng mga ugong-ugong na tatakbong pangulo ng bansa ang anak niyang si Mayor Sara.
Sa situation briefing sa Tandag, Surigao del Sur, sinabi ng Pangulo na naaawa siya sa kanyang anak lalo na’t iba ang takbo ng pulitika dito sa Pilipinas.
Nangangamba ang pangulo na maaring kababuyan lamang ang danasin ng kanyang anak kung tatakbo sa mas mataas na posisyon.
Partikular na tinutukoy ng pangulo si dating Senador Antonio Trillanes na aniya’y wala sa lugar ang mga pambabatikos.
Inihalimbawa ng nito ang pagdawit ni Trillanes sa kanyang 16 anyos na anak na Veronica na ginawang drug lord.
Babala pa ng pangulo sa publiko, mag- ingat kay Trillanes lalo na sa posibilidad na itoy makaupo sa puwesto.
Ayon sa pangulo, ibebenta ni Trillanes ang publiko sa demonyo kapag nakabalik sa puwesto.
“Inday Sara is not running. I have really really put my foot down. Naaawa ako sa anak ko. Ang pulitika dito sa Pili — kababuyan. Lalo na si Trillanes pati ‘yong anak kong 16 years old ginawa pa ‘tong drug lord. Ito si… Be careful of Trillanes. Be careful of Trillanes. Magbantay kayo. They will sell — he will sell you to the devil pag ‘yan ang nakaupo, patay,” pahayag ng pangulo.
“Ako, sabi ko sa mga Pilipino, ‘pag ‘yan ang naging opisyal ninyo, eh ‘di kayo. Walang ginawa, walang hiya iyan sa totoo lang,” dagdag ng pangulo.
Una rito, nagkalat na rin ang mga tarpaulin na ‘Run, Sara, Run’ sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.