Higit 300 mangingisda sa Samal Island nakatanggap ng tulong

Hinatiran ng tulong ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga mangingisda sa Island Garden City of Samal (IGACOS) na ang pangkabuhayan ay naapektuhan ng pandemya ng COVID-19.

Nagbigay ng pagkain, food at medicine packs, face masks, at face shields sa kabuuang 343 na mangingisda at gleaners sa aktibidad na idinaos sa municipal gym ng Babak District.

“Masaya ako na nakabisita ako. Gaya ng pinangako ko sa inyo noon, kahit nasunugan, nabahaan, naputukan ng bulkan o lumindol, pupunta ako basta kaya ng aking katawan para makapagbigay ng kaunting tulong, solusyon sa inyong mga problema, at makapag-iwan ng kaunting ngiti sa oras ng inyong pagdadalamhati,” ayon kay Go.

May ilan ding benepisyaryo na tumanggap ng bisikleta at bagong sapatos.

Habang ang iba ay binigyan ng computer tablets para magamit ng kanilang mga anak sa blended learning.

Ayon kay Geneza Solis, fish vendor mula Barangay Miranda sa Babak District, malaking tulong ang cash assistance na kaniyang natanggap mula sa senador maging ang mga tulong mula sa mga ahensya ng gobyerno na nakilahok sa aktibidad.

“Kahit anong pagsusumikap namin, hirap talaga kami ngayong panahon ng pandemya. Nangingisda na kami o ano pa man para lang mabuhay ang aming mga anak. Talagang nagpapasalamat kami kay Presidente Duterte at Senator Bong Go dahil sa tulong nila,” ayon kay Solis.

Sa kaniyang mensahe, hinikayat ni Go ang lahat na maging maingat laban sa COVID-19.

Pangako ng senador sa sandaling dumating na ang ligtas at eoektibong bakuna ay kabilang sa prayoridad ang mahihirap at sectors, kasama na ang mga naapektuhang mangingisda.

“Alam ko na dahil sarado ang mga resort dito, mahirap ang buhay. Kapag walang turismo, walang negosyo at trabaho. Alam naming hirap kayo, pero ang plano ng gobyerno ay unti-unting bubuksan ang ekonomiya,” ayon pa kay Go.

Payo ng senador sa mga nangangailangan ng atensyong medikal, lumapit lamang sa Malasakit Centers na nasa Davao Regional Medical Center sa Tagum City at sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City.

Ang Malasakit center ay one-stop shop kung saan ang mga pasyente ay maaring makalapit sa Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.

Si Go ang pangunahing author ng ‘Malasakit Centers Act of 2019’.

Samantala, may mga kinatawan din mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa naturang aktibidad.

Ang mga tauhan ng DSWD ay nagbigay ng cash assistance habang namigay naman ng hygiene kits ang DOH.

Ang Department of Agriculture ay namahagi ng vegetable seeds at bangka habang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ay namahahi ng solar dryer, stainless working tables, fiberglass floaters, payao floaters, at rolyo ng ropes.

Ang Department of Labor and Employment ay naglaan ng emergency employment habang ang Technical Education and Skills Development Authority ay nag alok ng livelihood training and scholarships.

Pinasalamatan naman ni Go ang mga lokal na opisyal sa pangunguna ni Mayor Al David Uy at Vice Mayor Richard Guindolman sa kanilang serbisyo sa mga residente.

“May isang sikreto na itinuro sa akin si Presidente Duterte: mahalin mo ang kapwa mong Pilipino at hinding-hindi ka magkakamali. Kaya bisyo ko ang magserbisyo. Wala akong ibang gagawin. Hindi ko sasayangin ang panahon na ito. Magseserbisyo lang ako sa inyo,” sabi ni Go.

Noong October 28, si Go at kaniyang team ay namahagi rin ng emergency assistance sa 55 pamilya na inilikas dahil sa pagbaha sa Kaputian District.

Read more...