Mga reklamo laban sa Dito Telecommunity hiniling maimbestigahan

Maghahain ng resolusyon si Laguna Representative Dan Fernandez ng resolusyon para maimbestigahan sa Mababang Kapulungan ang mga reklamo ng ilang lokal na pamahalaan laban sa Dito Telecommunity.

Aniya tinatapos na lang niya ang pinal na nilalaman ng ihahain niyang resolusyon.

Diin nito hindi na dapat pang tumingin sa ibang direksyon dahil dumadami na ang mga reklamo at sumbong sa mga sinasabing paglabag ng itinuturing na third major telco player sa Pilipinas.

“Mula sa hindi pa masagot na isyu na may banta sa ating national security itong network rollout nila, paglabag  sa ilang mandato ng LGUs a barangay at reklamo ng mga ibat ibang komunidad,” ayon sa mambabatas.

Bunga nito, diin ni Fernandez, masasabing seryoso ang mga reklamo kayat  dapat na masiyasat sa Kongreso laban sa Dito.

Pangamba pa nito dahil nagkukumahog na sa oras ang Dito na maabot ang target na 1,600 cellsites na dapat maitayo hanggang Marso 8, maaring may mga paglabag sa mga batas na nagagawa ang telecom para masunod ang utos ng Department of Information and Communications Technology (DICT).

Dagdag pa ng mambabatas, dalawang requirements na lang ang ibinigay sa Dito para mapabilis ang pagpapatayo ng cellsites ngunit mistulang hindi pa nasusunod.

Una nang kinasuhan ng pamahalaang-lungsod ng Malabon ang Dito dahil sa ilegal na pagtatayo ng cellsite at kamakailan lang, pinadalhan na rin sila ng Notice of Violation ng Bacolod City LGU dahil sa katulad na paglabag.

Read more...