Kontra ang grupong Kabataan sa plano ng Department of Education na i-extend ang school year at gawing dalawang linggo lamang ang bakasyon.
Katuwiran ni Kabataan Rep. Sarah Elago, maraming kabataan na ang hindi makasabay sa distance learning dahil sa dagdag na gastos at kawalan ng access o kahirapan sa online classes, maging sa mga modules kaya naman nasasangkalan na ang kalidad ng edukasyon.
Bagama’t sang-ayon ito na dapat bigyan ng flexibility at assistance ang mga hindi nakakumpleto ng requirements, hindi naniniwala ang kongresista na matutugunan ng pagpapalawig sa school year ang mga hamon ng distance learning.
Giit ni Elago, mas kailangan ng mga estudyante at mga guro ang health breaks sa gitna ng pandemya.
Dagdag pa ng mambabatas, maaaring gamitin ang summer break para i-assess ang blended distance learning.
Gayundin, para maingat na planuhin at paghandaan ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan at ng unti-unting pagpapatuloy ng face-to-face classes.