Personal appearance ng mga senior citizen pensioners hindi na kailangan para makuha ang pensyon

Inatasan ng Inter-Agency Task Force ang mga ahensya ng gobyerno at iba pang servicing banks at financial institutions na huwag nang i-require ang mga senior citizen na magpakita ng personal para sa pagkuha ng kanilang pensyon.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ito ay dahil sa nagpapatuloy pa ang banta sa Covid 19.

Hindi maikakaila ayon kay Roque na ang mga senior citizen ay vulnerable sa sakit.

Sa utos ng IATF, pinahahanap ng alternatibong pamamaraan ang servicing banks, financial institutions at mga ahensya ng gobyerno para ma-validate ang mga senior citizen pensioner.

Ayon kay Roque, dati kasi ay nire-require ang mga senior citizen na personal na magsumite ng mga dokumento para patuloy na makakuha ng pensyon.

“Syempre po dahil sa Covid at kaligtasan ng mga seniors, intasan ang mga relevant government  agencies na mag-issue ng memorandum circulars sa pagpaptupad nito sa a-uno ng Marso. Alam naman natin na tayo ngayon ay nasa gitna ng pandemiya at ang mga seniors ay isa sa high-risk at vulnerable sa Covid-19. Para matiyak ang kanilang kalusugan at kaligtasan, inaprubahan ng resolusyon na ito na hindi na sila kinakailangan na magkaroon ng personal appearance sa mga bangko at iba pang institutsyon para makuha lamang ang kanilang mga pensyon,” pahayag ni Roque.

Ayon kay Roque, ang desisyon ng IATF ay bilang konsiderasyon na rin na bawal pang makalabas ng bahay ang mga matatanda.

 

 

Read more...