Siniguro ng Russian Embassy sa Pilipinas na ligtas ang Sputnik V vaccine ng Gamaleya panlaban sa COVID-19 kasabay ng pagkakaloob ng buong suporta sa pamahalaan sa paghahain ng aplikasyon para sa emergency use authorization (EUA).
Ito ang naging pahayag ni Vladlen Epifanov, Minister-counselor, Deputy Chief of Mission of the Russian Federation Embassy sa pagdinig ng House Committee on People’s Participation na pinamumunuan ni San Jose Del Monte City, Bulacan Rep. Florida Robes.
“The results of the clinical trial phase 3 conducted last year showed its very high safety and efficacy rate which has been recognized by the very respectable British Lancet medical journal. As far as its efficacy, it goes up to 91.6 percent and volunteers of 60 (years of age) and up is a little bit higher (at) 91.8 percent. 98 percent of those vaccinated developed good immune response,” pahayag ni Epifanov.
Noon pang nakaraang taon, nagsasagawa ng serye ng pakikipagpulong si Robes kaugnay sa pag-usad ng bakuna para sa COVID-19 matapos aprubahan ng Russia ang Sputnik upang mapadali ang pagsisikap na magkaroon nito sa Pilipinas.
Sinabi pa ni Epifanov na walang anumang masamang epekto o reaksiyon ng allergy ang Sputnik V at nagbibigay pa ng kaligtasan sa bago at mabilis makahawang bagong strains ng COVID-19.
Aniya, aprubado at ginagamit na ng 29 bansa sa iba’t-ibang panig ng mundo ang kanilang bakuna at sa pamamagitan ng Russian Direct Investment Fund (RDIF) gumagawa na rin ng ganitong uri ng bakuna ang India, Brazil at South Korea upang matiyak na sapat ang produksiyon.
Puwede rin aniyang makinabang sa RDIF ang Pilipinas upang mabakunahan ang 1/3 o kahit kalahati ng kabuuang populasyon ng bansa gamit ang Sputnik V.
Kung maaaprubahan sa Pebrero, sa buwan ng Abril ay maituturok na ang unang dose ng bakuna.
Samantala, ayon naman kay Food and Drugs Administration Director General Eric Domingo, hinihintay lang nila ang ilang dokumento mula sa Gamelaya Research Institute na lumikha ng Sputnik V bago nila aprubahan ang Emergency Use Authorization na hiling nito.
Kailangan aniya ang awtorisasyon ng lokal na ahente na lalagda sa ngalan ng Gamelaya at ng Good Manufacturing Practice upang matiyak na walang kaibahan ang produkto.
Sinabi ni Domingo na handang magtungo sa Russia ang kinatawan ng Pilipinas upang magsagawa ng pagsusuri sa laboratoryo ng Gameleya.
Idinagdag nito na sinusuri pang mabuti ng Department of Science and Technology (DOST) kung ang bakunang gawa ng Russia na gumagamit ng adenovirus 5 bilang protina para sa Covid-19 ay hindi makapagpapababa sa kahusayan nito dahil maraming Pilipino na ang dumanas ng impeksiyon sa mga nakalipas na panahon dahil sa adenovirus 5.
“The DOST would want to know since many Filipinos have had this Adenovirus 5 and whether we already have antibodies to it because it is possible that if Filipinos have have it, the efficacy will be lowered. But its efficacy is still very high at 90 percent and above. There is just fine-tuning,” paliwanag ni Domingo.
Tiniyak naman ni Epifanov na tutulungan niya ang kinatawang magtutungo para magsagawa ng inspeksiyon sa Russia upang mapadali ang kanilang pagkuha ng visa at iba pang dokumentong kailangan sa pagnanais na ring matiyak na maaprubahan kaagad ang EUA application.
Nagpasalamat naman si Robes sa FDA at sa Embahada ng Russia sa aktibo nilang partisipasyon sa pagpupulong lalu na sa kanilang pangakong mapabilis, hindi lamang ang aplikasyon ng Sputnik V kundi sa iba pang uri ng bakuna.
“We are favored with the readiness of the Russian Direct Investment Fund (RDIF), and the Russian government in general, to start the Russian coronavirus vaccine supplies to the Philippines immediately after the national regulator gives its approval for emergency use. Undeniably, the success of the COVID-19 vaccination program in the Philippines is also hinged on the stockpile of countries and companies at the forefront of developing the vaccines,” pahayag pa ni Robes.