Walang nakikitang rason ang Palasyo ng Malakanyang para magdiwang na si Senador Leile de Lima.
Ito ay matapos ibasura ng Muntinlupa Regional Trial Court ang isa sa tatlong drug-related case na kinakaharap ng senadora.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, walang reaksyon ang Palasyo dahil may dalawang nakabinbing kaso pa na kinakaharap si de Lima.
Sinabi pa ni Roque na hindi pa dapat na mag-celebrate si de Lima dahil nasa loob pa rin siya ng kulungan.
Nakapiit si de Lima sa PNP Custodial Center dahil sa kinakaharap na kaso kaugnay sa ilegal na droga.
“Wala ho kaming reaksiyon kasi may nakabinbin pang dalawang kaso. Bakit po siya magsi-celebrate eh nandoon pa rin siya sa selda niya?” pahayag ni Roque.
Taong 2017 nang makulong si de Lima dahil sa pagtanggap umano ng drug money mula sa mga drug lord na nakakulong sa New Bilibid Prison.