PhilRem ginisa sa Senado, Deguito idiniin ang mga dating amo sa RCBC

By Den Macaranas April 05, 2016 - 04:17 PM

Salud Philrem
Inquirer file photo

Sinabon ng mga miyembro ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga pinuno ng PhilRem Service Corporation kaugnay sa paiba-iba nilang mga pahayag sa imbestigasyon sa $81 Million money laundering scam.

Nauna nang sinabi ni PhilRem President Salud Bautista na inihatid niya sa grupo ni Weikang Xu na isang  casino high roller ang kabuang P600 Million na sinasabing bahagi ng perang ninakaw mula sa Bangladesh Central Bank makaraang ma-hack ang kanilang account sa Federal Reserve sa New York.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig kanina, sinabi ni Bautista na hindi biglaan kundi naging installment ang pagdadala nila ng pera kay Xu.

Sa pagtatanong ni Sen. Bam Aquino kung bakit paiba-iba ang kanilang mga pahayag, nilinaw ni Bautista na nililinaw lamang nila ang nauna nilang pahayag.

Ang PhilRem ang naunang itinuro ni dating RCBC Jupiter branch manager Maia Santos Deguito na siyang nagpalit sa Piso na bahagi ng hinahanap na $81 Million.

Samantala, sa pagharap kanina sa Senate investigation ni Solaire Resort and Casino legal counsel Atty. Benny Tan, kanyang tiniyak na handa silang isauli ang kabuuang P107 Million cash na bahagi ng “dirty money” na galing kay Ding Zhizhe na isa ring casino high-roller.

Bukod sa nasabing halaga, sinabi ni Tan na nakakuha rin sila sa inabandonang silid sa Solaire Hotel ni Zhizhe ng perang nagkakahalaga ng mahigit sa P1 Million.

Ipinaliwanag naman ni Anti-Money Laudering Council executive director Julia Bacay-Abad na magsusumite sila ng forfeiture charges para makuha ang custody sa nasabing pera.

Sa kanyang muling pagharap sa Senado, mangiyakngiyak naman na sinabi ni Deguito na na-set up siya sa nasabing kontrobersiya.

Ang kanya umanong pagkakamali ay nang pagkatiwalaan niya si RCBC President Lorenzo Tan lalo na ng utusan siya nito na magbukas ng limang dollar account na naunang nang natalakay sa Senate probe.

Sinabi ni Deguito na nalagay sa labis na kahihiyan ang kanyang pamilya dahil sa nasabing pangyayari na hindi naman niya ginusto..

Muli niyang binigyang-diin na dapat siyasatin ng husto ang mga matataas na opisyal ng RCBC dahil sila ang may direktang alam sa detalye ng hinahanap na laundered money.

TAGS: Deguito, Money-Laundering, philrem, senate. blue ribbon, Deguito, Money-Laundering, philrem, senate. blue ribbon

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.