Banta ng COVID-19, hindi dapat maliitin ayon sa isang lider ng Kamara

Hindi sang-ayon si House Committee on Labor and Employment chairman Enrico Pineda sa pagpayag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na muli nang magbukas ang iba pang industriya tulad ng mga sinehan at arcade.

Ayon kay Pineda, sa pagbukas ulit ng mga sinehan at arcade ay tataas ang bilang ng mga naitatalang bagong kaso ng coronavirus sa Pilipinas, lalo pa at may naitatala nang mga kaso sa bagong strains na sinasabing mas nakakahawa.

Sinabi nito na hindi dapat minamaliit ang banta ng COVID-19 pandemic.

Bukod dito, tutol din si Pineda sa pagpayag sa mga batang edad 15 pababa at mahigit 65 years old na makalabas sa gitna nang pagluwag ng quarantine restrictions.

Hindi na aniya kakayanin pa sakaling magkaroon ulit ng spike sa naitatalang bagong kaso ng COVID-19 araw-araw, na posibleng maging mitsa sa pagpapatupad ulit ng striktong lockdown.

Para kay Pineda, mas mainam na panatilihin na lamang ang status quo sa ngayon habang hindi pa dumarating sa Pilipinas ang bakuna kontra COVID-19.

Kasabay nito ay nananawagan ang kongresista sa pamahalaan na paspasan na ang negosasyon sa pagbili ng mga bakuna upang sa gayon ay mas makagalaw ang lahat.

Read more...