Experience ang naging basehan ni Pangulong Rodrigo Duterte nang sabihin nitong hindi kwalipikadong maging pangulo ng bansa si Vice President Leni Robredo.
Tugon ito ng Palasyo sa pahayag ni Robredo na hindi naman si Pangulong Duterte ang magpapasya kung hindi ang taong bayan kung kwalipikado siya o hindi na pamunuan ang bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman harry Roque, tama naman ang pahayag ni Robredo na ang magdedesisyon ay ang taong bayan.
Pero dapat aniyang alalahanin ni Robredo na bahagi si Pangulong Duterte ng taong bayan.
Boboto rin aniya si Pangulong Duterte para sa susunod na pangulo ng bansa.
Ayon kay Roque, dahil sa naging pangulo na ng bansa si Pangulong Duterte, batid na niya ang mga kakayahan na kinakailangan para sa isang lider.
“Tama po iyan, iyan ay desisyon ng taumbayan. Pero kabahagi po ng taumbayan ay ang Presidente na siya ay boboto rin at dahil siya ay naging Presidente alam niya iyong mga kakayahan na kinakailangan para maging isang Presidente at ang kaniyang naging assessment na suma total, hindi po angkop na maging Presidente ang ating Bise Presidente,” pahayag ni Roque.