Kalahating milyong biik, naipamahagi na ng DA kasunod ng ASF

Nakapamahagi na ng nasa kalahating milyong biik ang Department of Agriculture (DA) mula noong unang maitala ang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.

Sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food, sinabi ng DA na ipinamigay nila ang mga ito sa mga magbababoy na naapektuhan ng ASF simula noong taong 2019.

Ang nasabing bilang, ayon sa ahensya, ay madaragdagan pa dahil sa inilunsad na Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) noong nakaraang linggo.

Pinaglalaanan ng P600 milyon ang programa na naglalayong pabilisin ang repopulation efforts ng kagawaran upang matiyak ang availability, accessibility, at affordability ng pork products sa bansa.

Iginiit naman ni Pork Producers Federation of the Philippines president Edwin Chen na hindi sagot ang pag-aangkat ng pork products sa kinakaharap na problema ng bansa sa supply ng mga karne ng baboy.

Maging si House Deputy Speaker Rodante Marcoleta ay nagsabi ring hindi ito practical, dahil ang higit na kailangan ay palaganapin ang mga inahin na baboy.

Read more...