Nag-alok si Manila City Mayor Isko Moreno ng libreng swab tests sa mga cinema worker sa lungsod.
Kasunod ito ng pagpayag ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na makapagbukas na ang mga sinehan, theme park at museums, at iba pa sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine.
Sinabi ng alkalde na kailangang sumailalim sa swab testing ng cinema workers bago payagan ng lokal na pamahalaan na makapagbukas ng mga mall ng kanilang mga sinehan,
“Hindi ko bubuksan ang cinema hangga’t di natetest ang workers,” ani Moreno.
“We will extend assistance. Those who wanted to work, you have to follow this simple guidelines, this is also for their own good and their community,” aniya pa.
Maaaring makapag-avail ng libreng swab tests sa Manila Health Department ang janitors, security guards, tellers, ushers porters, ticket tellers, at snack bar attendants.
Hiniling naman ng alkalde sa lahat ng mall managers na iprisinta ang kanilang preparasyon sa muling pagbubukas ng mga sinehan alinsunod sa health protocols ng gobyerno.
“Ang assurance ko sa inyo ay the city is aggressive. You have the support of the city, I agree with the opening of the cinema because I believe in you, that you are a responsible citizens,” ani Moreno.