Kanya-kanyang takas na ang mga miyembro ng Daulah Islamiyah – Maute Group nang hindi na nila kayanin ang puwersa ng Joint Task Force ZamPeLan na nakadiskubre ng kanilang lungga sa Madamba, Lanao del Sur noong nakaraang Sabado.
Sinabi ni Lt. Gen. Corleto Vinluan Jr., commander ng AFP – Western Mindanao Command, umaga ng nakaraang Sabado nang magsagawa ng combat operations ang kanilang mga tauhan sa Barangay Bawang nang maka-engkuwentro ang may 15 terorista.
Sinabi ni Maj. Gen. Generoso Ponio, commander ng JTF ZamPeLan, binomba nila ang lungga kayat napilitan ang mga terorista na magkan-kanya sa pagtakas.
“We deployed air and artillery troops to conduct assault forcing the enemies to abandon their position,” sabi pa ni Ponio.
Tumagal ng halos pitong oras ang operasyon at walang nalagas sa panig ng puwersa ng gobyerno hanggang sa makubkob ang lungga.
Pinuri nina Vinluan at Ponio ang mga tauhan ng 1st Scout Ranger Battalion, 1st Field Artillery Battalion, and Tactical Operations Group-9 sa matagumpay nilang operasyon.