Iginiit ni House Committee on Public Accounts Vice Chairman Angelica Natasha Co ang kahalagahan ng pagpasa ng panukala na titiyak ng tulong sakaling magkaroon ng masamang epekto ang bakuna kontra sa COVID-19.
Ayon kay Co, kapag naisabatas ang kanyang inihaing panukala tataas ang kumpyansa ng publiko sa pagpapabakuna.
Layon ng panukala na magtatag ng government vaccine indemnification program para magkaroon ng fall back ang mga mamamayan.
Papalakasin din nito ang mga umiiral na panuntunan para naman sa vaccine manufacturers upang matiyak na ang mga ilalabas nilang bakuna ay nasa pinakamataas na standards.
Sa ilalim ng kanyang panukala, sisingilin ng isang porisyento ng halaga ng kanilang kontrata sa pamahalaan ang pharmaceutical companies na pagkukuhanan nang supply ng mga bakuna.
Idedeposito ang perang makukuha sa mga ito sa Bureau of Treasury ng Department of Budget and Management, at gagamitin lamang bilang compensation para sa mga indibidwal na nakaranas ng adverse effects matapos magpabakuna.
Nakasaad sa panukala na ang bubuuing Vaccines Compensation Board ang siyang hahawak sa indemnification fund, kung saan ang kalihim ng Department of Justice ang siyang tatayong Chairperson habang ang Health Secretary namana ng Vice Chairperson.
Miyembro ng board ang kalihim ng Department of Budget and Management at Department of Finance; sectoral representative mula sa healthcare industry, patient advocacy group at medical societies.
Kapag maging ganap na batas ang inisyal na pondong ilalaan para sa vaccine indemnification program ay manggagaling sa alokasyon ng Department of Health sa ilalim ng General Appropriations Act.