Ayon kay Hataman, dapat magpatupad ng general amnesty program ang gobyerno para magbaba ng armas ang mga rebelde at magbalik-loob sa gobyerno para makamit ang kapayapaan.
Sabi ni Hataman, “Ang pagbubukas natin ng pintuan sa mga rebelde at nais magbalik-loob sa lipunan ay isa talagang susi tungo sa kapayapaan.”
Giit nito, maraming mga miyembro ng Abu Sayyaf Group at Bangsamoro Islamic Freedom Fighter ang sumuko na sa pamahalaan pero hanggang sa ngayon ay nakakulong pa rin dahil hindi kasama sa amnesty program ang nasabing mga grupo.
“Karamihan sa kanila, hindi ideolohiya ang dahilan sa pagsali: madami po ang napilitan lang dahil sa kanilang kalagayan sa buhay. Many of them had no choice. Can’t we give them a peaceful option now?” dagdag ni Hataman.
Umaasa naman si Hataman na naglunsad ng Program Against Violent Extremism (PAVE) sa Basilan isasama sa programa ang ASG at BIFF.
“Sa ngayon po, madami nang sumuko sa ASG dahil sa PAVE, pero hindi nawawala ang takot nila at pangamba kasi nga walang amnesty,” dagdag ni Hataman.
Nauna nang sinabi ni Presidential peace adviser Carlito Galvez na bukas ang amnesty application para sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF), Communist Party of the Philippines–New People’s Army–National Democratic Front, Cordillera Bodong Administration–Cordillera People’s Liberation Army at Rebolusyonaryong Partidong Manggagawa ng Pilipinas/ Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade- Tabara Paduano Group.