Isinusulong ng Makabayan bloc sa Kamara na gawing prayoridad ng pamahalaan sa COVID-19 vaccine ang mga guro at mga estudyante.
Base sa House Resolution 1574 na inihain ng Makabayan bloc, nakasaad ang apela sa Inter-Agency Task Force (IATF) na iprayoridad ang mga guro at mga mag-aaral sa vaccination program upang makapaghanda na sa pagbabalik eskwela gayundin ay para maprotektahan ang karapatan sa kalusugan at edukasyon sa gitna ng pandemya.
Wala anila sa ‘top tier’ ng listahan ng mga makakatanggap ng COVID-19 vaccine ang mga guro habang hindi naman kasama sa listahan ang mga estudyante.
Iginiit sa resolusyon na hindi ganito ang kaso sa ibang mga bansa dahil itinuturing na ‘key frontliners’ ang mga guro at kabilang ang mga ito sa top priorities na mabakunahan.
Kung maagang mababakunahan ang mga kabilang sa education sector, maaaring magsilbing vaccination centers ang mga paaralan para sa mas mabilis na roll out ng COVID-19 vaccine.
Base sa pinakahuling data ng UNESCO, mahigit 100 milyong mga guro at school personnel ang apektado ng health crisis kung saan 27 mga bansa ang sarado pa rin ang mga paaralan at apektado rito ang 300 milyong learners.