Iginiit ng isang ekonomistang kongresista na hindi sapat ang pagpapatupad ng price ceiling sa karne ng baboy at manok para masolusyunan ang problema sa pagtaas ng presyo ng pagkain sa mga pamilihan.
Ayon kay Marikina Rep. Stella Quimbo, kailangan ng magkakasamang polisiya upang matugunan ang problema sa food inflation.
Kabilang aniya rito ang cash assistance para sa mga magsasaka na naapektuhan ng African swine fever at mga malalakas na bagyo.
Gayundin, dapat bumaba ang taripa sa mga imported na karne dahil masyadong mataas ang 30 hanggang 40 porsiyento na taripang ipinapataw sa kasalukuyan.
Ipinagagamit din ni Quimbo ang kita mula sa sinisingil na taripa para ma-develop ang local farming at livestock industry.
Bukod dito, kailangan aniyang paigtingin ang mga ginagawang hakbang ng Philippine Competition Commission laban sa mga traders na bumabarat sa mga magsasaka at livestock producers at pagpapatupad ng batas ng Bureau of Customs laban sa mga smugglers.
Epektibo noong Lunes ang price freeze na ipinapatupad ng pamahalaan sa karneng baboy at manok sa Metro Manila na tatagal sa loob ng 60-araw.