Pinaiimbestigahan na ni Armed Force of the Philippines chief of staff Lt. General Cirilito Sobejana sa provost marshal si Lt. General Antonio Parlade Jr.
Ito ay dahil sa ginawang red-tagging o pag-aakusa ni Parlade sa reporter ng INQUIRER.net na si Tetch torres-Tupas na isang propagandista ng mga terorista.
Ayon kay Sobejana, inatasan na niya ang provost marshal na makipag-ugnayan sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) partikular na sa strategic communications committee.
Dapat kasi aniyang malinaw kung ang mga pahayag ni Parlade ay bilang tagapag-salita at may basbas ng NTF-ELCAC.
Mayroon kasi aniyang due process na kailangang sundin.
Ayon kay Sobejana, hihintayin niya muna ang resulta ng imbestigasyon ng provost marshal bago gumawa ng susunod na hakbang kay Parlade.
Una rito, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na pinaiimbestigahan na rin niya si Parlade.