Ibinasura ng Palasyo ng Malakanyang ang mungkahi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army na mga tauhan ng Red Cross at hindi ang mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines ang hayaan na mag-deliver ng mga bakuna kontra Covid 19 sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, may roll out plan ang pamahalaan kontra Covid 19 na kinakailangan na masunod.
Sinabi pa ni Roque, isang teroristang grupo ang CPP-NPA na mayroon pa ring karapatan ng malayang pamamahayag.
Pero ayon kay Roque, hanggang doon na lamang ang maaring gawin ng CPP-NPA.
Hindi kasi aniya maaring mabago ang plano ng pamahalaan ng dahil lamang sa suhestyon ng teroristang grupo.
Una rito, nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa CPP na huwag galawin ang delivery ng mga bakuna.
Pumayag naman ang CPP pero hindi dapat ang mga sundalo kundi mga taga-Red Cross ang magdadala ng mga bakuna sa mga liblib na lugar.
“Unang-una ‘no, we have a rollout plan; iyon po ang masusunod kahit anong sabihin pa ng CPP-NPA. Number two, I guess they have freedom of expression but they are tagged as a terrorist group so parang they can express their opinion but hanggang doon lang po iyon,” pahayag ni Roque.
“Ang ating rollout plan po ay binuo po iyan sa tulong po ng mga pangunahing eksperto, and it will remain,” dagdag ni Roque.