Hinikayat ni Senate Minority Leader Frank Drilon ang Comelec na palawakin ang satellite voter’s registration program at bumili ng mga karagdagang biometric scanners para mapabilis ang pagpapa-rehistro ng mga botante.
“The Congress has allocated sufficient funds to the Comelec under the 2020 and 2021 national budgets. Let us use it to buy more biometric gadgets, hire more consultants or job order employees and even rent out a bigger space or venue of voter registration,” sabi ni Drilon.
Aniya hindi kailangan na tipirin ang budget at kung kinakailangan ay dalhin sa mga barangay ang pagpapa-rehistro ng mga botante.
Dagdag pa nito, dahil sa pandemya sa Covid 19, nalimitahan din ang bilang ng mga nais magpa-rehistro na umaabot lang, ayon sa Comelec sa 50 – 70 katao kada araw.
At base sa datos ng Comelec may tatlong milyong bagong botante ang kinailangan magpa-rehistro bukod pa sa pitong milyon na kailangan lang ng renewal dahil hindi nakaboto nitong huling dalawang eleksyon.
Nakakadagdag din aniya ang limitadong bilang ng biometric scanners kaya’t apektado ang bilang ng mga maaring magparehistro para bumoto.