Supply ng baboy dapat harapin ng gobyerno– Sen. Francis Pangilinan

(Kuha ni Jun Corona)

 

Iginigiit ni Senator Francis Pangilinan na dapat ay solusyonan ng gobyerno ang isyu ng supply ng karne ng baboy para mapalambot ang presyo. “Ang issue ay supply. Dahil halos ubos na ang mga baboy sa Luzon dahil sa African swine flu, kinakailangang mag-angkat mula sa Visayas at Mindanao. Wala na raw nagbebenta ng baboy sa ilang palengke sa Metro Manila dahil mas mahal ang gastos ng mga magb-ababoy kaysa sa price ceiling. Ano’ng kailangan ng industriya para makabangon?” makahulugang tanong ng senador. Kayat hinihikayat niya na magkaroon ng diyalogo sa pagitan ng mga magba-baboy at mga may pwesto sa palengke kasama ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI). Nagpalabas ng Executive Order si Pangulong Rodrigo Duterte para malimitahan sa P270 hanggang P300 ang presyo ng kada kilo ng baboy at ito ay sinagot naman ng mga magba-baboy at tindero ng pork holiday. Katuwiran ng mga ito, mas malaki pa ang gastos sa pagdadala ng mga karne at pagtitinda kumpara sa price ceiling na itinakda ng Malakanyang. “Dapat pakinggan din ang ating mga hog raisers at vendors. Ang suporta ng gobyerno ay hindi dapat see-saw. Dapat hindi bababa ang isa kung aangat ang kabila. Kung ang kailangan nila ay transport subsidy, bigyan ng transport subsidy. Ayaw nating umabot pa na mawalan na talaga ng supply ng baboy sa merkado,” sabi pa nito.

Read more...