Pangulong Duterte, umaaray na sa alegasyong may korupsyon sa Covid 19 vaccine

Photo grab from PCOO Facebook video

Nasasaktan na si Pangulong Rodrigo Duterte sa paulit-ulit na alegasyon na may nagaganap na korupsyon sa pagbili ng pamahalaan sa bakuna kontra Covid 19.

Ayon sa Pangulo, inutang lamang ang perang pambili ng bakuna sa Development Bank of the Philippines at World Bank kung kaya malabong makurakot ang pondo.

“I would like to repeat it again. Itong pangbayad natin sa bakuna, hiniram natin ito sa DBP pati World Bank. Wala kasi tayong pera. Ngayon, pagdating na sa bayaran, kung tapos na lahat, ang DB — ang mga manufacturers, ang nagpabili sa atin ng ‘yung Pfizer, lahat, mag-kolekta sila hindi sa atin, doon nila kunin ang pera nila sa World Bank pati DBP. So walang corruption dito kasi walang hinahawakan ni sino man sa amin dito na bilyon,” pahayag ng Pangulo.

“Ganoon ang sitwasyon kaya masakit sa amin na basta na lang sweeping allegations about corruption. Iyon ang pakiusap ko lang rin sa mga members ng Congress,” pahayag ng Pangulo.

Pakiusap ng Pangulo sa Kongreso, iwasan ang panghuhusga na may nagaganap na korupsyon sa pagbili ng mga bakuna.

 

Read more...